BINI, nag-hiking, tumawid sa ilog para sa kanilang music video na “Born to Win”

Ibinahagi ng mga miyembro ng pinakabagong P-POP group na pinakainaabangan ngayon ng local at international fans, ang kanilang pinagdaanan sa pag-shoot ng kanilang debut single na “Born To Win.”

Nilinaw ng grupo sa ginanap na regional press conference na dinaluhan ng Brigada News FM na hindi green screen ang mga bundok na makikita sa kanilang music video, dahil totoong nag-hiking muna sila at tumawid sa ilang ilog bago sila nakarating sa location ng kanilang shoot sa Rizal.

Ayon kay BINI Gwenn, ang nasabing shoot ay ang unang beses na nakalabas sila matapos ang mahabang panahon na pagsasanay para sa kanilang future guestings at performances.

Bagamat fresh ang looks ng walong miyembro ng all-female group sa music video ay ipinunto ni BINI Sheena na dahil sa init at pawis ay kinailangan nila na mag-back to zero at magbura ng make-up sa tuwing nagpapalit sila ng outfit.

Aminado naman si BINI Maloi na nahirapan sila sa pagsayaw sa buhangin lalo na at meron silang mga steps ng pagluhod.

Mababatid na mayroong dalang empowering message ang “Born to Win” na malapit na rin magkakaroon ng iba’t-ibang bersyon kabilang na sa Bahasa, Thai, Japanese, at Spanish.

Una nang inilabas ng BINI noong Nobyembre, 2020 ang pre-debut single nila na revival ng novelty song na “Da Coconut Nut”, na agad naman gumawa ng ingay sa social media, salamat sa kanilang loyal na fans na kung tawagin ay “Blooms”.

Samantala, inaasahan naman na idadaos ng grupo na kinabibilangan nina Aiah, 20, Colet, 19, Maloi, 18, Gwen, 17, Stacey, 17, Mikah, 16, Jhoanna, 16, at Sheena, 16, ang kanilang kauna-unahang concert kasama ang kanilang male-group counterpart na BGYO sa huling quarter ng 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *