Bolahan ng jueteng sa Cauayan at Ilagan City, sinlakay; 13 katao, naaresto

Dinakip ang 13 na katao matapos salakayin ng mga otoridad ang dalawang bolahan ng jueteng sa magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba sa Brgy. Minante 1, Cauayan City at Bliss Village, Ilagan City noong June 15, 2021.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Joel Cabautan, ang Officer-in-Charge ng CIDG Isabela, ikinasa ang naturang operasyon ng pinagsanib-pwersa ng CIDG Anti Organized Crime Unit, IPPO, PIU, PNP Cauayan at PNP City of Ilagan.

Kinilala ang mga naaresto na sina Volter Landicho, 40-anyos, Michael Valle, 38-anyos, Felicito Aguda, 47-anyos; Mark Geron De Guzman, 41-anyo, Raniel De Guia, 31-anyos, John Jefferson Corpuz, 29-anyos at Paul Viernes, 39-na pawang mga residente ng lunsod ng Cauayan.

Aniya, bago ang pagkakahuli sa mga suspek ay mayroong nagtungo sa kanilang tanggapan na informant kaugnay sa iligal na pagsusugal ng naturang grupo.

Matapos ang balidasyon ay ikinasa ang anti-illegal gambling operation kung saan nakumpiska ng mga operatiba ang mahigit 52,000 pesos na bet money at iba’t-ibang mga jueteng paraphernalia tulad ng papelitos at “buraka”.

Maliban dito ay arestado rin sa hiwalay na operasyon kahapon sa lunsod ng Ilagan sina Honofre Acosta, 48-anyos, residente ng Brgy. Alibagu, Ilagan, Isabela; Raymund Acaso, 40-anyos na tubong Bacolod City, Negros Occidental at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Bliss Village subd., City of Ilagan.

Arestado rin sina Raffy Tagir, 36-anyos, Jhon June Villamor, 32-anyos na kapwa residente, Nueva Ecija; si Jerwin Garcia, 25-anyos, at residente ng Pampanga at Elvin Villalobos, 27-anyos at residente ng Bacolod City, Negros Occidental.

Nakumpiska naman sa mga ito ang mahigit 50,000 pesos na bet money at kagamitan sa sugal na jueteng.

Ang mga naaresto ay nagsisilbing mga kabo, rebisador at table manager ng bolahan.

Ayon pa kay PMaj. Cabauatan, kabilang ang mga dinakip sa Tiaong Crime Group na sangkot sa operasyon ng jueteng sa probinsya.

Dinala ang mga naaresto sa CIDG Isabela PFU para sa dokumentasyon at tamang disposisyon na mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *