Bulkang Mayon, nakapagtala ng mahigit 10 rockfall events mula kahapon; PHIVOLCS, may paliwanag

LEGAZPI CITY – Mahigit sampung rockfall events ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bulkang Mayon mula kahapon, Hunyo 2.

Sa datos ng tanggapan, nakapagtala ito ng 14 na rockfall events kahapon, habang 13 naman ang naitala ngayon na may kasamang isang pagyanig o volcanic earthquake.

Dahil dito, nagpaliwanag ang PHIVOLCS, kung saan sinabing madalas ay may kinalaman ang ganitong pangyayari sa panahon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHIVOLCS Resident Volcanologist, Dr. Paul Alanis, sinabi niya na ang mga rockfall event ay nagmumula sa lava dome na naiwan pa noong 2018 eruption.

Ito umano ang dahilan kung bakit hindi pa nila binababa sa alert level 0 ang status ng nasabing bulkan.

Ayon kay Alanis, napaka-unstable ng lava dome kaya’t asahan na mayroon talagang mga pagbagsak ng lupa mula sa bulkan.

Madalas din umano, may kinalaman din dito ang panahon lalo pa’t noong mga nakaraang araw ay nakaranas ng mga pag-ulan ang lalawigan dahil sa bagyo at sa habagat.

Dagdag pa nito, wala naman silang pressure na tinitignan sa rockfall events dahil wala rin namang indikasyon na mayroong bagong magma na umaakyat.

Ang pinangangambahan lamang, aniya, ay kung mayroong bumagsak na malalaking bahagi ng lupa o kaya’t malalaking bato sa 6km permanent danger zone ng bulkan.

Samantala, sa ngayon ay wala pa silang nakikitang indikasyon o senyales na ibababa na sa alert level 0 ang status nito, ngunit kahit naman nasa alert level 0 ang isang aktibong bulkan, maaari pa rin itong magkaroon ng mga phreatic eruptions.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *