BULTRASCO nilalabag ang LPTRP na inisyu ng LTFRB ayon sa SORINTRAFED

SORSOGON CITY – Sa harap ng mga bagong modernized jeepneys sa lalawigan na nakatakda nang bumiyahe sa mga susunod na araw, naniniwala si Sorsogon Integrated Transport Federation (SORINTRAFED) President Ramon Dealca na mayroong problema sa ilan sa mga ito.

Partikular na tinukoy nito ang Bulusan Transport Service Cooperative o BULTRASCO na may rutang Bulusan-Sorsogon at vice versa.

Sa pahayag sa Brigada News ni Dealca, sinabi nito na bukod sa apektado ang ibang jeepney cooperative at corporation, nilalabag din ng BULTRASCO ang Local Public Transport Route Plan o LTPRP na inisyu dito.

Paliwanag nito, ang ruta kasi umanong inaprubahan  ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa nasabing kooperatiba ay point to point.

Ibig sabihin mga pasahero lamang mula sa Bulusan at Sorsogon ang dapat nitong isakay subalit ang nangyayari ay nagpapasakay na umano ito ng mga pasaherong kanilang dinadaanan na malaki naman ang epekto sa iba pang bumibiyahe sa rutang Gubat-Sorsogon at vice versa partikular na ang GTC at RJ Lines dahil naaagawan ang mga ito ng pasahero.

Mababatid na bukod sa GTC-Gubat Transport Cooperative at BULTRASCO ay nakatakda na ring bumiyahe ang mga modernized jeepney ng  Pto.Diaz Transport Service Cooperative at Barcelona Gubat Sorsogon Transport Cooperative.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *