Camarines Norte 1st District Rep. Josie Tallado nanumpa na sa pwesto, pagkakaisa laman ng kaniyang inaugural speech

CAMARINES NORTE- Nanumpa na sa pwesto kahapon si Camarines Norte First District Representative Josefina Tallado para sa kaniyang ikalawang termino.

Sa kaniyang Inaugural Speech na ginanap sa First Congressional District Office Compound sa bayan ng Labo, sinabi ni Rep. Tallado na hangad niya ang pagkakaisa ngayong tapos na ang eleksyon.

Aniya, pagkatapos ng halalan ay hindi siya nagbitaw ng anumang salita kahit sa mga nakalaban sa pulitika.

Ang pakiusap lamang umano niya ay ang pagkakaisa ng partido hanggang sa dulo lalo na sa hanay ng mga Board Members.

Gayunman, tila may pasaring ang kongresista sa aniya’y mga “balimbing”.

Katulad daw kasi ng mga Barangay Leaders mayroon na umanong natatakot at bumabalimbing.

Nangako ang mambabatas na handa siyang maging ina hindi lang sa kaniyang distrito kundi maging sa ikalawang distrito kung kakailanganin ang kaniyang tulong.

Kasamang nanumpa ni Tallado kahapon ang mga kaalyadong Bokal mula sa una at ikalawang Distrito na pinagasiwaan ni Regional Trial Court Presiding Judge Leo Intia.

Dumalo rin sa panunumpa ng kongresista ang kaniyang esposo na si Outgoing Governor Edgardo Tallado at ang buong pamilya.

Si Outgoing Governor Tallado ay natalo sa kaniyang re- election bid laban kay Governor- Elect Ricarte “Dong” Padilla.

Dahil dito ang maybahay na lamang nitong si Josie ang naiwang nasa pwesto matapos na matalo rin ang kanilang anak na si dating Provincial Administrator Alvin Tallado sa laban naman nito kay Severino “ Jojo” Francisco bilang Alkalde ng Labo.

Sa Hunyo 30, naman gagawin ang Oath Taking Ceremony ni Governor- Elect Padilla at Vice Governor- Elect Joseph Ascutia sa Camarines Norte Agro Sports Center kasama ang iba pang Provincial Officials.

Nauna namang manumpa sa tungkulin si 2nd District Rep. Rosemarie Panotes.

Photo courtesy: Governor Edgardo Tallado fb/ Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *