CHR, inumpisahan na ang imbestigasyon sa 176 na mga unclaimed na bangkay mula sa Bilibid

Nagsimula na ang Commission on Human Rights sa sarili nitong imbestigasyon kaugnay sa natuklasang mahigit isang daang bangkay ng mga persons deprived of liberty o PDLs sa isang punerarya sa Muntinlupa City.

Sa isang pahayag sinabi ng CHR na ikinabahala nila ang pagkakatuklas ng nasa 176 bangkay ng mga Bilibid inmates kaya agad silang nagsagawa ng isang independent investigation.

Dagdag pa ng ahensiya na nais nilang malaman ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng mga inmates pati an ang kondisyon ng mga ito na nagresulta sa pagkakatambak ng bangkay sa isang funeral parlor at naghihintay na mabigyan ng desenteng libing.

Ipinaalala naman ng CHR sa mga jail officer ang UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners o ang Mandela Rules, na dapat ipaalam kaagad sa kamag-anak ng bilanggo o emergency contact kung sakaling mamatay ito sa loob ng kulungan.

Samantala, muling iginiit ng CHR ang suporta nito para sa iba’t ibang panukala na magpapaganda sa kalagayan ng mga PDLs tulad ng digitization ng mga record at regionalization ng NBP. //CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *