Confidential at Intelligence funds sa 2022, aabot sa P8.63-billion

Bukod sa COVID-19 response na prayoridad ngayon ng goberno ay naglaan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng malaking bahagi ng 2022 national budget sa mga programa na magtitiyak sa national security.

Base sa proposed General Appropriations Act na isinumite sa Kongreso ay umabot ang alokasyon para sa national security ng bansa sa P8.63-billion.

Kasama na sa nasabing halaga ang P4.95-billion para sa intelligence at P3.67-billion para sa confidential funds.

Sa ilalim ng general provisions ng National Expenditure Program para sa fiscal year 2022, ay tinukoy ang intelligence expenses bilang information gathering activities ng unipormadong hanay, militar, at ng intelligence practitioners na may direktang kinalaman sa national security.

Ang confidential expenses naman ay tumutukoy sa surveillance activities sa mga civilian government agencies na inaasahang susuporta sa mandato at operasyon ng mga ahensya.

Dahil sa nature nito, ay hindi madali ang pag-audit ng intelligence at confidential funds, hindi katulad ng iba pang regular na gastos ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Ipinapasa ang mga ulat ng Commission on Audit kaugnay sa intelligence funds sa Pangulo, habang ang ulat para sa confidential funds ay ipinapasa sa Pangulo, Senate President, Speaker ng House of Representatives, o sa Secretary ng DILG.

Gayunman, sa veto message ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 2021 budget ay inalis nito ang probisyon na nagre-require na maireport sa Kongreso ang paggamit sa intelligence fund, kung saan ay sinabi niya na tungkulin niya na protektahan ang national security.

Mapupunta sa Office of the President ang P4.5-billion ng intelligence at confidential funds, na mas higit sa kalahati ng proposed budget para rito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *