COVID vaccination sa 5-11 age group, palalawakin nationwide sa Feb. 14.

Nakatakdang palawakin ng gobyerno sa buong bansa ang COVID vaccination sa lima hanggang 11-taong gulang sa darating na Lunes, Feb. 14.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., may 780,000 doses pa ng bakuna para sa naturang edad ang nakatakdang dumating sa Huwebes, at 1.2 million doses naman sa Feb. 16.

Sa kabuoan, aabot sa 5.2 million doses ng reformulated Pfizer COVID vaccine ang inaasahang kabuuang deliveries ngayong buwan.

Nabatid na halos 10,000 batang edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan kontra COVID-19 nitong Lunes, o unang araw ng rollout ng bakunahan para sa naturang sektor.

Samantala, sinabi naman ni Health Sec. Francisco Duque III na nakahanda ang gobyerno na umapela, sakaling maglabas ng Temporary Restraining Order ang korte matapos ipetisyon ng dalawang magulang na ipahinto ang COVID vaccination para sa naturang age group. //MHEL PACIA-TRINIDAD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *