Dalagita sa India, lumuluha ng bato?

Uttar Pradesh India – Pinag-uusapan ngayon sa bansang India ang isang 15-anyos na dalagita mula sa Gadiya Baladispur sa Uttar Pradesh State, matapos na mag viral sa social media ang kanyang video kung saan makikitang lumuluha ng bato ang kanyang kaliwang mata.

Ayon sa pamilya ng dalagita na kinilalang si Chandni, halos dalawang buwan nang lumuluha ng bato ang dalaga. Katunayan, umabot na sa 15 maliliit na piraso ng bato ang nakolekta ng kanyang pamilya na sinasabing lumabas at mula sa mismong mata ng bata.

Mapapanuod sa viral na video ang eksena kung saan may isang tila maliit na bukol sa talukap ng kanyang kaliwang mata at nang himasin ito pababa ng isang babae, nalaglag mula dito ang isang maliit na bato.

Naidala at na ipa-konsulta na rin umano sa mga doktor ang kalagayan ng dalagita ngunit walang makitang sanhi o problema ang mga eksperto sa sitwasyon ni Chandni.

Ayon sa isang kilalang Opthalmologist na si Dr. Awadesh Kumar, walang anumang siyentipikong eksplenasyon na makakapag paliwanag sa pagluha ng bato ng isang tao o ng kahit mga hayop.

Hanggang sa ngayon ay nananatiling misteryoso ang kalagayang ito ng dalagita ngunit bago pa ito, una nang naiulat sa bansang Yemen noong 2014, ang kaparehong insidente kung saan isang 12-anyos naman na batang babae ang lumuluha din ng bato.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *