DepEd Bicol, may pahayag kaugnay ng 3 mag-aaral sa Tabaco City na nahuli sa aktong gumagamit ng “marijuana” sa mismong paaralan

Hindi na magpapalabas ng anumang direktiba o polisiya ang Department of Education (DEPED) Bicol na may kinalaman sa iligal na droga.

Ito ang naging pahayag ni DEPED Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa Brigada News FM Legazpi kaugnay ng tatlong mag-aaral sa lunsod ng Tabaco sa lalawigan ng Albay na nahuli sa aktong gumagamit ng “marijuana” sa mismong paaralan nila.

Aniya, matagal nang mayroong direktibang ipinapatupad sa mga paaralan patungkol sa mga illegal substances; katunayan umano, ang ahensiya ay mayroong National Drug Education Program (NDEP) na nagtuturo sa mga mag-aaral kung ano ang mga ipinagbabawal na gamot.

Dati na umano itong nasa polisiya ng ahensya na hindi naman dapat pang ulit-ulitin.

Sinabi niya, ang PDEA, DILG at LGUs ay may mga programang isinasagawa upang ang isang barangay ay maideklarang drug-free, kung kaya’t responsibilidad na rin sana nilang siguraduhin na walang gumagamit ng mga iligal na droga sa kanilang lugar, subalit hindi naman umano ito makokontrol dahil may mga kabataan na napupunta sa maling direksyon.

Dagdag pa niya, ang mga school heads ay makikipagtulungan lamang sa mga opisyal ng barangay upang pag-usapan ang pangyayari kung saan maaari nilang ma-reactivate ang visibility ng mga tanod malapit sa mga mga paaralan.

Matatandaang, kahapon lamang ay inaresto ng mga kapulisan ang tatlong 18 anyos na mga mag-aaral ng Bognabong Nat’l HS ng nasabing lunsod dahil nahuli ito ng kanilang gwardya na aktwal na gumagamit ng nasabing droga sa loob ng paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *