Fishing vessel, lumubog sa Calatagan, Batangas; 13 nailigtas

Sa kasagsagan ng malakas na ulan kahapon, isang fishing vessel ang lumubog sa karagatang sakop ng Barangay Bagong Silang, Calatagan, Batangas.

Sa paunang impormasyon mula kay Dr. Amor Calayan, ang pinuno ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, mula sa Navotas City ang naturang barko na may pangalang ANITA DJ II at patungo sa Palawan.

Pagmamay-ari ang nasabing barko ng kumpanyang IRMA fishing.

Ayon kay Dr. Calayan, dahil sa nararanasang masamang panahon, sumemplang umano ang nasabing barko hanggang sa lumubog ito matapos na mapuno ng tubig.

Nailigtas naman daw ang labingtatlong tripulanteng sakay ng barko.

Ayon pa sa PDRRMO, may kargang 400 liters ng lube at 70,000 liters ng diesel ang lumubog na fishing vessel.

Batay rin sa inisyal na impormasyon mula sa PDRRMO, may oil sealed naman daw ang lumubog na barko, kung kaya’t posibleng walang mangyaring oil spill.

Gayunman, nakipag-ugnayan na sila sa marine biologist ng Philippine Coast Guard (PCG), maging sa lokal na pamahalaan ng Calatagan, Batangas para paghandain sa posibilidad ng oil spill matapos lumubog ang barkong ANITA DJ II.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *