Frat member, arestado matapos manaksak sa Batangas

Himas-rehas ngayon ang isang miyembro ng isang fraternity group matapos manaksak ng isang lalaki sa Brgy. Poblacion Proper, Lobo, Batangas.

Kinilala ng Lobo Municipal Police Station ang suspek na si Ralphie Ilagan y Gonzales, 29-anyos, residente ng Brgy. Balatbat, Lobo, Batangas at ang biktimang si Nole Delos Santos y Buena, 26-anyos na residente naman ng Brgy. Balatbat na nasabing lugar.

Ayon sa report, alas-7:45 ng gabi noong ika- 11 ng Setyembre nang mangyari ang insidente kung saan ang biktima at ang iba pang miyembro ng fraternity group ay nag-iikot sa nasabing barangay.

Nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang suspek at ang biktima ukol sa suot nitong fraternity shirt na pinahuhubad ng suspek.

Sa pagkakataong iyon, bigla na lamang umanong sinaksak ng suspek ang biktima.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas sa Lobo MPS, iginigiit umano ng suspek na ang biktima ay hindi miyembro ng kanilang samahan kung kaya’t pinahuhubad nito ang naturang fraternity shirt.

Agad namang dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng paunang lunas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *