Gulong, kumalas sa trak; 2 sugatan

Sugatan ang isang fish dealer at pahinante nito habang nakaligtas ang driver ng trak nang mahulog ang mga ito sa palayan matapos na kumalas sa trak ang gulong harapan nito.

Kinilala ng Sorsogon City Police Station ang mga biktima na sina Asucina Barrameda Ala, may asawa at John Paul Bellen, 20-anyos, binata kapwa naninirahan sa Brgy Banawan, Pioduran, Albay habang ang driver ng trak ay nakilalang si Francisco Alcantara Austria, 43-anyos, may asawa, residente ng Brgy Cayaoyao ng parehong bayan.

Lumabas sa imbestigasyon na ang trak ay galling Albay at papunta sana sa bayan ng Bulan subalit pagdating sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy Bulabog, West District, Sorsogon City ay natanggal umano sa trak ang harapang gulong kung kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa nabangga ng trak ang poste ng Soreco Dos at bahay ng isang Salvador Licup hanggang sa mahulog ito sa isang palayan saka tumagilid.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property ang driver ng trak subalit inisyal na inisyuhan ito ng deputized LTO agent ng temporary operator’s permit (TOP).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *