Ilang examinees ng Bicol University CET, ikinalat diumano ang test items; BU admissions, may pahayag na hinggil sa isyu

LEGAZPI CITY –Isang post mula sa partikular na Facebook group ang kumalat nito lamang nakaraang linggo na mayroon umanong isang examinee ang kumuha ng litrato ng test items mula sa Bicol University College Entrance Test (BUCET) at ipinasa sa kanilang chat group na ikinalat naman ng ilang examinees.

Ang nasabing post ay umani ng samu’t saring mga reaksiyon mula sa mga dati at kasalukuyang mag-aaral ng pamantasan maging ang ibang mga tao, kung saan komento ng ilan, ito ay “unfair” para sa mga totoong nagsunog ng kilay para sa exam.

May ilan ding pumuna sa mga proctors at nagtakang mayroong nakalusot gayong lagi namang hinihigpitan ang pagbabantay sa oras ng eksaminasyon.

Wika naman ng ilan, sa ilang taong isinasagawa ang BUCET ay ngayon lamang nagkaroon ng gayong isyu ng pagpapakalat ng questionnaires.

Samantala, nabigay na rin ng pahayag ang BU Admissions Office hinggil sa isyu, kung saan sinabing haharap sa kaukulang penalidad ang sinumang mapapatunayang may sala sa pagkukuha ng litrato ng test itmes maging sa mga nagpakalat nito.

Sa post naman ng parehong Facebook group, nakaipon na sila ng 63 mga pangalan na sangkot sa umano’y pagpapakalat ng test items.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *