Kamara, mistulang “vindicated” sa usapin ng Charter Change – House Majority

Naniniwala si House Majority Leader Mannix Dalipe na napagtibay ang matagal nang ipinaglalaban ng Kamara matapos kumilos ang Senado para sa isinusulong na reporma sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Ayon kay Dalipe, lumalabas na tama ang paninindigan ng Mababang Kapulungan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez na dapat nang amiyendahan ang Saligang Batas.

Ipinaliwanag ng Majority Leader na sa mga nakalipas na taon ay naging adbokasiya na ng Kamara ang constitutional amendments ngunit laging tinatanggihan ng Senado.

Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na sumang-ayon ang Mataas na Kapulungan na itulak ang constitutional reforms dahil napapanahon nang sabayan ang pag-usad ng global economy.

Kasabay nito, mahigpit na imo-monitor ng House leadership ang mga hakbang ng Senado kasunod ng direktiba ni Speaker Romualdez na suportahan ang Resolution of Both Houses Number 6 na iniakda ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Nakasaad sa RBH 6 ang proposed amendments sa Articles 12, 15 at 16 ng 1987 Constitution upang tanggalin ang equity restrictions sa ilang industriya at pahintulutan ang 100 percent foreign ownership sa public services.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *