Klase sa isang pribadong eskwelahan sa Camarines Norte balik online dahil umano sa pagtaas ng COVID- 19

CAMARINES NORTE- Balik sa full online classes ang isang pribadong eskwelahan sa lalawigan ng Camarines Norte dahil sa banta ng COVID- 19.

Sa loob ng dalawang araw ay online muna ang klase sa Mabini Colleges partikular sa High School at College Department simula ngayong araw, April 25 hanggang bukas.

Batay sa facebook post ng Mabini Colleges Supreme Student Council, ang pagbabalik sa full online classes sa dalawang magkakasunod na araw ay dahil umano sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa Bicol Region at pagsasailalim ng IATF sa lalawigan ng Camarines Norte sa Alert Level 2.

Gayunman ang examinations sa Huwebes at Biyernes ay gagawin ng face-to- face.

Sa eskwelahan din nagsasagawa ng online classes ang mga guro.

Sa panig naman ng pampublikong eskwelahan ay walang  ipinapalabas na pagkansela ng face to face classes ang Department of Education nang dahil sa COVID- 19.

Nilinaw naman ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na dati naman talagang nasa ilalim ng Alert level 2 ang probinsiya bago pa man nagpalabas ng bagong advisory ang IATF at Department of Health.

Ito umano ay dahil hindi pa naabot ang 80 % ng vaccination coverage sa senior citizen na isa sa pinagbabasehan ng pagbaba ng Alert Level.

Sa ngayon ay nasa 75. 9 % pa lang ang vaccination coverage sa naturang age group.

Nasa 82. 8 %  ang over- all accomplishment ng Camarines Norte sa vaccination.

Ang limang bayan naman sa lalawigan tulad ng Daet, San Vicente, Basud, Capalonga at Talisay ay nasa Alert Level 1 na matapos na maabot o malagpasan pa ang over- all vaccination accomplishment at sa senior citizen.

Pinawi rin ni Francisco ang pangamba ng publiko sa sinasabing pagtaas ng kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.

Aniya mula Enero hanggang Abril ay pito lang ang naitatalang kaso kaya walang significant na pagtaas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *