Konsehal sa lungsod ng Sorsogon kwinestiyon ang POPCOM sa pagbibigay ng contraceptives sa mga kabataan

SORSOGON CITY- Kwinestyon ng ilang konsehal ng Sangguniang Panlungsod ng Sorsogon ang planong pagbibigay ng Commission on Population (POPCOM) ng contraceptives sa mga kabataan.

Ito ay kaugnay ng nalalapit na implementasyon ng National Program on Population and Family Planning program sa lokalidad.

Ayon kay Committee on Energy Chairman Eric Ravanilla, hindi hinihikayat ng lokal na gobyerno ang mga kabataan na maging aktibo sa ganitong mga gawain dahil posible itong makapagpukaw ng kamalayan ng mga bata upang masangkot sa premarital sex.

Samantala, nilinaw naman ni Committee on Peace and Order and Public Safety Chairman Danilo Deladia na ang tanging bibigyan lamang ng nasabing mga contraceptives ay iyong mga kabataan na una nang napabilang sa teenage pregnancy.

Dahil rito, hiniling ng opisyal na dapat maging malinaw o ispesipiko ang POPCOM sa mga aktibidad na nais nitong isagawa sa lungsod lalo na sa usaping family planning at sekswalidad.

Kung babalikan, naging kontrobersyal din ang nasabing ahensya noong nauso o kaliwa’t-kanan ang isinasagawang community pantry, kung saan hinikayat ng Commission on Population and Development ang mga organizer ng community pantry sa bansa na mamahagi rin ng contraceptives tulad ng condom at pills.

Ayon pa kay POPCOM executive director Usec. Juan Antonio Perez III, maituturing na ‘essential’ ang family planning services at ang mga condom at pills dahil pangontra ito sa teenage pregnancies at hindi planadong pagbubuntis ngayong pandemya.

Malaki aniya ang maitutulong ng mga community pantry sa rollout ng contraceptives.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *