Koronadal, ‘di na kukuha ng dagdag na mga Covid-19 contact tracers

KORONADAL CITY — WALA nang plano ang city government ng Koronadal na mag-hire ng dagdag na mga contact tracer sa coronavirus disease o Covid-19 response nito.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Mayor Eliordo Ogena, sinabi nito na sa halip kumuha ng mga bagong contact tracers, bibigyan na lamang ng dagdag na hazard pay ang mga Barangay Health Emergency Response Team o BHERTs na siyang gagawa ng trabaho ng mga contact tracers.

Paliwanag ni Ogena, mas may alam ang mga BHERTs sa contact tracing o sa paghahanap at sa pag-monitor sa mga taong nagkaroon ng contact sa mga nag-positibo sa Covid-19.

Dagdag pa ng alkalde, kinakailangan pang sumailalim sa training ang mga bagong hire na contact tracers na nagpapahaba pa sa proseso dahilan kung bakit ibibigay na lamang ang dagdag na trabaho sa mga BHERTs kapalit ng dagdag na sweldo.

Napag-alaman na sa ngayon, umaabot na sa 1,427 ang kabuuang Covid-19 cases sa Koronadal kung saan 232 dito ang aktibo habang 1168 naman gumaling at 27 ang namatay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *