Lasing, arestado matapos pagbantaang patayin ang mga kamag-anak sa Batangas

Arestado ang isang lalaking lasing matapos magwala at mag-eskandalo sa labas ng bahay ng kanyang mga kamag-anak, matapos paghinalaan na itinatago ng mga ito ang kanyang asawa sa Brgy. Guinhawa, Tuy, Batangas.

Kinilala ng Tuy Municipal Police Station ang suspek na si Danilo Tumbaga at ang mga biktimang sina Rona Dastas y Tumbaga, 39-anyos, Janice Scheels y Tumbaga, 38-anyos, Rodora Macalindong y Desosa, 46-anyos, at si Maria Teresa Pineda y Bituin, 49-anyos na kapwa residente ng Brgy. Putol ng nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-4:10 ng umaga noong ika-24 ng Agosto nang sumugod ang lasing na suspek sa loob ng bahay ng mga biktima dala ang isang itak kung saan tinangka umano nitong saksakin ang mga biktima habang hinahanap ang kanyang asawa.

Bukod pa rito’y nagbanta pa raw ang suspek sa kanyang mga kamag-anak na papatayin ang mga ito kung hindi ilalabas ang kanyang hinahanap na misis.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Police Major Eugenio Solomon, Chief of Police ng Tuy MPS, inihayag nito na batay raw sa salaysay ng mga biktima, wala naman talaga sa nasabing bahay ang kanyang asawa at hindi kasama ng kanilang mga kamag-anak.

Sa katunayan daw ay nasa bahay nila ito mismo at doon nagtago sa naturang suspek.

Tumago raw ang asawa nito dahil sa tuwing makakainom ang suspek ay nananakait ito.

Samantala, noong mga oras na iyon ay agad ding nakatakas ang mga biktima kung saan nakahingi sila ng tulong at doon ay tuluyang naaresto ang suspek.

Wala naming nasaktan sa mga nasabing biktima.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang naturang suspek at nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang Attempted homicide, Tresspass to dwelling, Malicious mischief, at Alarm and Scandal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *