Mag-iina sinalakay at inatake habang wala ang padre de pamilya; 11-anyos, patay habang isa pa nawawala

Sinalakay ng isang suspek ang bahay at inatake ang mag-iina habang wala ang padre de pamilya ng mga ito sa Brgy Calumpang, Milagros, Masbate.

Sa pahayag sa Brigada News ng Milagros MPS, sugatan ang ina na si Ilene Innocencio matapos ito manlaban sa suspek na armado ng itak habang nasawi ang 11-anyos na si Redelyn na natagpuan sa labas ng bahay sa lubluban ng kalabaw na tadtad ng tama ng itak habang hindi pa natatagpuan ang 13-anyos na si Realyn  na isang pipi.

Naniniwala ang pamilya na tinangay ito ng suspek na si Renato Bangabanga alias ‘Dodoy, ’ higit 50-anyos, hiwalay sa asawa at residente ng parehong barangay.

Nabatid na lasing umano ang suspek nang atakihin nito ang mag-iina na ang pakay ay manghalay.

Kinatok umano ang mag-iina na binuksan naman ng pinakabunsong kapatid.

Itinaon ng suspek na wala ang padre de pamilya dahil nasa isang barangay ito sa bayan ng Aroroy upang maki-ani ng palay.

Napag-alaman na ang bahay ng mga biktima ay may 5 kilometro ang layo mula sa baryo habang ang bahay ng suspek ay may layong kalahating metro lamang sa bahay ng mga biktima.

Habang sinusulat ang balitang ito ay tinutugis na ng tracking team ng Milagros MPS ang suspek kasabay ng paghahanap sa nawawalang biktima na menor-de-edad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *