Mga alagang hayop tulad ng aso at pusa delikado sa heat stroke ngayong matindi ang init ng panahon

CAMARINES NORTE- Nagbabala ang isang eksperto na ngayong tag- init hindi lang ang mga tao ang delikado sa heat stroke kundi maging ang mga alagang hayop tulad ng aso at pusa.

Ayon sa beterinaryong si Dr. Reuben Naperi may mga pangyayari na kung saan na heat stroke at namatay ang mga alagang hayop dahil sa matinding init ng panahon.

Bukod dito prone din umano sila sa Pneumonia kaya importanteng alam ng mga nag- aalaga ng hayop ang kanilang gagawin.

Iminungkahi ni Naperi ang regular grooming lalo na sa mga aso at pusang mabalahibo.

Kung maaari ay ipa-groom sila kada dalawa o tatlong buwan para maibsan ang init ng katawan at regular na painumin ng tubig

Hindi naman daw kailangang paliguan araw-araw ang mga alaga dahil ang sobrang paliligo ay posibleng maging dahilan ng pagkawala ng normal oil ng katawan ng alagang hayop.

Sapat na umanong paliguan sila kahit kada limang araw.

Mas mainam din umano kung bigyan ang mga alaga ng vitamins o supplements tulad ng B complex at kung ano pang bitamina na maaaring makapagpalakas ng kanilang immune system.

Gayunman aminado si Naperi na may kamahalan ang treatment sa mga private clinics lalo na kapag nagkakasakit ang alaga.

Pero hindi raw ito rason para pabayaan ang mga alagang hayop dahil kung hindi kaya nang bulsa ay maaari naman umanong lumapit sa Provincial  at  Municipal Veterinary Office na mayroon din namang mga programa para  sa mga alagang hayop.

Dapat din umanong regular na nababakunahan ang mga alaga kontra rabies, Pneumonia at 5 in one vaccine laban sa limang karaniwang sakit ng aso.

Pwede nang bakunahan ng anti- rabies kapag tatlong buwan na ito at ang 5 in one vaccine ay pwede nang ibigay kahit dalawang buwang gulang pa lang at anti Pneumonia naman kapag talong buwang gulang.

Mahalaga rin umanong ma- deworm ang alaga kada tatlong buwan.

Bukod naman sa mga heat stroke ay mataas din umano ang infestation ng ng garapata at pulgas kapag ganitong tag- init.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *