Mga pulis sa Virac, Catanduanes pagbabawalan munang uminom ng alak

BNFM BICOL— Pinagbabawalan muna ngayon ang mga kapulisan sa bayan ng Virac, Catanduanes na uminom ng anumang mga nakakalasing na inumin.

Iyan ang mismong kinumpirma ni Virac MPS Chief Police Major Kevin Caparroso kung saan ang naturang polisiya ay nag-ugat matapos ang insidente ng pamamaril-patay ng isang patrolman sa kanyang sariling mag-ina sa Brgy. Hawan Ilaya, naturang bayan.

Giit ni Caparroso, mahigpit naman talaga aniyang ipinagbabawal sa isang pulis ang uminom ng alak lalo na sa mga pampublikong lugar dahil sa posibilidad na masangkot ang mga ito sa gulo.

Dahil sa naturang insidente, mas paiigtingin ngayon ng Virac PNP ang pagbibigay ng interbensyon sa hanay ng kapulisan sakanilang bayan habang ipagpapatuloy naman ang lingguhang seminar ng mga ito at pakikipag-usap sa kanilang life coach.

Matatandaan na nasa impluwensya ng alak ang pulis na nakapatay sakanyang sariling mag-ina nitong nakaraang linggo kung saan nauwi sa pamamaril nito ang naging pagtatalo nila ng kanyang asawa.

Tumagos ang bala sa katawan ng babae kaya’t tinamaan din ang kanilang anak habang matapos gawin ang krimen, ay nagbaril din sa sarili ang pulis kaya’t pare-pareho ang mga itong binawian ng buhay.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *