Napapadalas na pagkakasabat ng ilegal na droga sa Central Luzon, pinuna ng isang kongresista

Pinuna ni 1-RIDER Party-list Representative Bonifacio Bosita ang tila napapadalas na pagkakadiskubre at pagsamsam ng ilegal na droga sa Region 3 o Central Luzon.

Naungkat ang obserbasyon sa pagdinig ng House Dangerous Drugs Committee ukol sa pagkakasabat ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pinaniniwalaang shabu sa lalawigan ng Pampanga.

Tugon dito ng Philippine Drug Enforcement Agency, pinakamalapit sa Metro Manila ang rehiyon at madali rin ang pagbibiyahe ng droga.

Paliwanag ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, mayroong mga seaport, airport at expressway ang Central Luzon na napakikinabangan sa drug trade.

Pero iginiit ni Lazo na hindi lamang sa Subic Bay Freeport Zone naipupuslit ang malalaking shipment ng droga dahil kahit sa Central Visayas at Cagayan De Oro ay may naipasok din sa mga nakalipas na administrasyon.

Samantala, nilinaw naman ng National Bureau of Investigation na hindi shabu ang nasabat na kontrabando sa isang abandonadong sasakyan sa Mabalacat City, Pampanga noong Agosto.

Sinabi ni NBI Assistant Director Angelito Magno na nakumpirma sa pagsusuri na dimethyl sulfone ang nasamsam ng mga awtoridad na ginagamit bilang extender o adulterant sa paggawa ng shabu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *