NDRRMC, ginawaran ng posthumous award ang limang rescuers sa Bulacan

Ginawaran ng natatanging pagkilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang limang rescuers mula Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nalunod at nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin noong kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Sa ginanap na “Luksang Parangal Para sa Mga Yumaong Lingkod Bayan” sa Bulacan Capitol Gymnasium, personal na iprenisenta ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator at NDRRMC Executive Director Raymundo Ferrer ang “Bakas Parangal ng Kagitingan” sa mga pamilya ng limang rescuers.

Sa mensahe ni Usec. Ferrer, binanggit nito na ‘land of heroes’ ang probinsya ng Bulacan at pinatunayan aniya ito ng limang rescuers na ngayo’y itinuturing na makabagong bayani.

Ang Bakas Parangal ng Kagitingan ay isa sa mga prestihiyosong pagkilala na iginagawad ng NDRRMC sa mga indibidwal na nagpapamalas ng kakaibang katapangan pagdating sa pagresponde sa panahon ng kalamidad at sakuna.

Samantala, bukod sa parangal, nagpaabot din ng pinansyal na tulong ang NDRRMC sa pamilya ng mga namayapang rescuers.

Interior Secretary Benhur Abalos, tiniyak ang tulong sa mga naulila ng limang rescuers

Nakiisa ang Department of Interior and Local Government sa pagluluksa ng mga Bulakeño para sa pagkamatay ng limang mga rescuers na nagbuwis ng kanilang mga buhay sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Personal na bumisita si Interior Secretary Benhur Abalos para ipaabot ang pakikiramay at pagsaludo kina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin.

Ayon kay Abalos, kinikilala ng Gobyerno ang ipinamalas na katapangan ng mga bayaning rescuers.

Ang kanila umanong ipinakitang sakripisyo sa kanilang mga kapwa ay patunay lang ng ‘unparalleled commitment’ nila para sa public service.

Kaugnay nito, tiniyak din ng Kalihim na mabibigyan ng karampatang tulong ang mga naulilang mahal sa buhay ng mga rescuer.

Inihatid na rin sa huling hantungan si Troy Agustin sa isang memorial park sa Sta. Rita; at si George Agustin sa Himlayang Kayumanggi sa bayan ng Calumpit.

#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *