Pagpopondo sa digitalization ng pamamahagi ng ayudad ng DSWD, dapat maisama sa 2023 national budget ayon sa isang kongresista sa Albay

LEGAZPI CITY – Iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda na maisama sa 2023 national budget ang pagpopondo sa digitalization ng pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mungkahi ni Salceda ay alinsunod sa naging hamon sa DSWD sa pagsisimula ng pamamahagi ng kanilang student aid program.

Bunsod nito, itutulak ng kongresista na magkaroon ng probisyon sa bubuuhing 2023 General Appropriations Bill para sa isang digital transformation program sa DSWD, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Paliwanag ni Salceda, sa pamamagitan nito ay bubuo ng isang digital transformation and user experience unit para i-digitize ang record ng DSWD, i-upgrade ang client service at solusyunan ang butas sa pagpapatupad ng social welfare programs ng ahensya.

Ayon pa sa kongresista, ipinapasa parati sa DSWD ang social benefit component o pamamahagi ng mga assistance ngunit hindi naman ito natutulungang palakasin ang kapasidad para mapadali ang pagpapaabot ng ayuda.

Mahalaga rin para kay Salceda na tumulong ang ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng SSS at PhilHealth sa pagbabahagi ng kanilang database, National ID ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa targeting at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa payment system.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *