Pagtalakay sa 2024 GAB sa Kamara, mananatiling transparent kahit sinertipikahan nang urgent

Muling siniguro ni House Speaker Martin Romualdez na maaaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang 2024 General Appropriations Bill (2024 GAB) bago mag-break ang sesyon sa susunod na linggo.

Ito’y matapos sertipikahan ni Pangulong Bongbong Marcos bilang urgent ang panukalang budget upang hilingin sa Kongreso ang agarang pagpasa rito.

Sinabi ni Romualdez na ang sertipikasyon ay nagpapatunay ng pagkilala ni Marcos sa pangangailangan na maipagpatuloy ang mga programa at serbisyo ng gobyerno.

Ang pag-certify sa 5.768 trillion-peso proposed budget ay pangako rin aniya ng pangulo tungo sa maagap at epektibong paglilingkod sa mga Pilipino.

Pinuri rin ng House Leader ang walang pagod na dedikasyon ng mga kasamahan sa Mababang Kapulungan para sa mabusising pagtalakay sa budget bill.

Bukas at hayag umano ang proseso ng pagtalakay sa 2024 GAB upang tiyakin na matutugunan ang lahat ng pangangailangan ng bansa.

Dahil certified as urgent na, mabibigyan ng pagkakataon ang Kamara na aprubahan ang panukalang pondo sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lang ng isang araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *