Pinto ng isa pa sa mga Jubilee Churches sa Camarines Norte binuksan kahapon

CAMARINES NORTE – Binuksan  nitong Miyerkules, ang Jubilee Door sa Parish and Shrine of St. Anthony of Padua sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na isa sa 7 Jubilee Churches sa lalawigan sa pagdiriwang ng  ika- 500 taon ng kristiyanismo sa Pilipinas ngayong taon.

Ang seremonya ay pinangunahan ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na dinaluhan ng mga kaparian at layko.

Ang Parish and Shrine of St. Anthony of Padua ay isa sa mga dinarayong simbahan sa lalawigan lalo na tuwing araw ng Martes.

Maliban sa Parish and Shrine of St. Anthony of Padua, anim pa ang itinalaga ng Obispo bilang simbahang panghubileyo na kinabibilangan ng Holy Trinity Cathedral at Paroquia De San Juan Bautista (Daet), Paroquia de San Pedro Apostol (Vinzons),  Paroquia de Nuestra Senora de Candelaria (Paracale), San Lorenzo Ruiz de Manila Church (San Lorenzo Ruiz), at Shrine of Jesus the Black Nazarene and Parish of St. Lucy (Capalonga).

Matatandaan na unang binuksan ang Jubilee door ng Holy Trinity Cathedral noong Easter Sunday at kamakailan lang ay ang isa sa tatlong pinakamatandang simbahan sa lalawigan, ang Paroquia De San Juan Bautista dito sa Daet.

Maliban sa pagdiriwang ng ika- 500 taon ng kristiyanismo sa bansa ay ipinagdiriwang din ngayong 2021 ng mga katoliko ang Missio Ad Gentes at Taon ni San Jose.

Dahil sa pagdiriwang na ito, nagawad si Pope Francis ng indulhensiya plenarya para sa mga magtutungo sa mga nabanggit na jubilee churches at gayundin para sa mga matatanda, mga maysakit at mga nag- aalaga sa kanila at sa mga hindi makaalis ng kanilang tahanan.

(photo courtesy: Aki ni San Jose)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *