Planong pagtatayo ng naval base ng AFP sa Panay Island, Bagamanoc, Cataduanes inalmahan ng mga makakaliwang grupo

BICOL—Inalmahan ng mga makakaliwang grupo ang planong pagtatayo ng naval base ng Armed Forces of the Philippines sa Panay Island sa bayan ng Bagamanoc, Catanduanes.

Sa ipinadalang pahayag sa media, sinabi ng mga ito na hindi katatakutan ng China ang itatayong base ng militar sa nasabing bayan lalo na kung mismong si Pangulong Duterte pa umano ang ang yumuyokyok sa mga ito para abusuhin at angkinin ang teritoryo ng bansa.

Inihalimbawa rin ng rebeldeng grupo ang itinayong naval base sa Casiguran, Aurora na wala naman umanong kahirap-hirap na nalusutan ng dalawang Chinese vessel na nakapasok sa karagatang sakop ng Paracale, Camarines Norte kung saan ang mga ito nagmina at kumuha ng iron ore nitong nagdaang buwan ng Mayo.

Samantala sa panig naman ng AFP, matatandaan na una nang binisita nina Southern Luzon Command Military Commander Lt. General Antonio Parlade Jr., Navy Commodore Jose Ma. Ambrosio Ezpleta at Philippine Army Maj. General Henry Robinson Jr. ang pagtatayuan ng nasabing naval base sa islang lalawigan at isinagawa ng mga ito ang hydrographic survey.

Ang maproteksyunan at mabantayan ang marine at oil resources ng Benham Rise ang layunin ng pamahalaan sa paglalagay ng base sa nasabing isla para sa mga military vessel ng Pilipinas na magpa patrolya sa Benham Rise.

Sa ngayon ay wala pang katiyakan kung matutuloy ang nasabing proyekto bagamat matagal na pala itong plano ng pamahalaang panlalawigan sa panahon pa ng panunungkulan ng dating kongresistang si Cesar Sarmiento ngunit na bid-out na ito matapos na mapalitansa pwesto ang dating kongresista. ###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *