PLDT Domestic Submarine Cable Project Area ng NTT World Engineering Marine nakabinbin sa SP

SORSOGON CITY – Nakapending muna ang hinihiling na ‘resolution of no objection’ ng NTT World Engineering Marine sa isasagawa nitong PLDT Domestic Submarine Cable Project Area sa lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Committee on Energy Chairman Eric Ravanilla, dapat na makapagpresenta muna ng kaukulang permit at dokumento sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Agricultures Office at iba pang kaugnay na ahensya  bago aprubahan ng konseho ang aplikasyon nito.

Ang PLDT Domestic Submarine Cable Project kasi ay isang proyekto ng nasabing kompanya na naglalayong mapataas o mapabilis ang internet connection sa pamamagitan ng undersea network.

Ito ang dahilan kung bakit nais munang matiyak ng Konseho na hindi maaapektuhan ang natural resources sa mga karagatang target na palagyan ng proyekto bilang ito ang nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente sa lugar.

Matatandaan na ang PLDT Inc. ay sumali sa isang kasunduan na magtatayo ng isang bagong Asia Pacific submarine cable na magbibigay ng karagdagang kapasidad para sa mga serbisyo sa internet at digital sa taong 2022.

Ang bagong submarine cable ay magagawang suportahan ang dumarami na bandwidth-intensive applications na hinihimok ng mga pagsulong sa teknolohiya tulad ng 5G (5th generation), cloud services, Internet-of-Things at Artificial Intelligence.

Mapapahusay din nito ang mga kakayahan ng malawak na network ng fiber cable ng PLDT na umaabot na sa 338,000 kilometro sa buong arkipelago at maiuugnay ang bansa sa mga pangunahing patutunguhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *