PRO 5, mariing kinondena ang brutal na pagpaslang sa 2 pulis sa Oas, Albay

LEGAZPI CITY – Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) Police Regional Office (PRO) 5 ang brutal na pagpaslang ng dalawang pulis sa bayan ng Oas, Albay noong Hulyo 9.

Nangyari ang insidente mag-aalas 12 ng hatinggabi, habang ang mga biktima ay nagsasagawa ng patrolya sa Brgy. Ilaor Sur ng nasabing bayan.

Ang mga biktima ay sina as PCMS. Joseph Ostonal, 43 anyos, residente ng Mayon Vista Subd., Brgy. Tuburan, Ligao City, at si PCpl. Jeffrey Refereza, 35 years old ng Libon.

Pinagbabaril ang mga ito ng mga suspek habang nakasakay sa motor, ngunit matapos ang pangyayari ay tumakas ang mga ito patungo sa direksyon ng Polangui.

Sa hot pursuit operation ng Oas Municipal Police Station, katuwang ang Polangui MPS at iba pang mga himpilan ay nahuli sa Centro Poblacion, Brgy. Basud, Polangui sa isang checkpoint.

Kinilala ang mga suspek na sina Richard Bonaobra, 35 anyos at Fernan Regala Jardinel, 37 anyos parehong residente ng Zone 2, Brgy. Santiago Old, Nabua, Camarines Sur.

Lumalabas sa inisyal imbesitigasyon na si Jardinel ay nag-AWOL na miyembro ng Philippine Army na nakadestino sa 65th Infantry Battalion, 9th Infantry Division sa Marawi City.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PRO5 sa mga naulilang pamilya ng mga biktima, kung saan kanilang isinaad na gagawin nila ang lahat upang makamit ang nararapat na hustisya.

Sa ngayon, inatasan na ni PNP Bicol Regional Director PBGen. Westrimundo D. Obinque ang kanyang mga tauhan upang magsagawa ng malalim na imbestigasyon nang malaman ang tunay na motibo ng krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *