Pro at anti-mining protesters, nagpang-abot sa South Cotabato

KORONADAL CITY — NAGPANG-ABOT sa harapan ng South Cotabato Provincial Capitol dito sa lungsod ng Koronadal ang mga pro at anti-mining protesters na may kanya-kanyang panawagan kay Governor Reynaldo Tamayo Jr. ukol sa ordinansang inaprobahan at nag-a-amyenda sa Environmental Code ng South Cotabato partikular na sa pag-a-alis ng ban sa open pit mining method.

Napag-alaman na naka-schedule ngayong umaga ang kilos protesta na pinangungunahan ng Diocese of Marbel na nag-aapela kay Tamayo na i-veto ang nabanggit na ordinansa.

Dinagsa ito ng mga residente, iba’t-ibang grupo at sektor mula sa South Cotabato, Sultan Kudarat at mga karatig-lugar na tutol sa open-pit mining.

Ngunit maliban sa mga anti-mining groups, dumagsa din sa lugar ang mga pabor sa pagmimina para sa isang caravan.

Karamihan sa mga ito ay mga Indigenous People o IPs mula sa bayan ng Tampakan na magiging sentro ng open-pit mining ng Sagittarius Mines Incorporated o SMI.

Panawagan ng mga ito sa gobernador na suportahan ang desisyon ng Sangguniang Panlalawiga o SP na nag-aaproba sa open-pit mining.

Napag-alaman na may hanggang Hunyo 4 na lamang si Tamayo upang i-veto ang ordinansa o tuluyang magiging batas na ito.

Sa ngayon, pina-alis na sa lugar ang mga pro-mining groups dahil sa pagsasagawa ng kilos protesta na walang kaukulang permit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *