Pulisya, hindi hahayaang maimpluwensiyahan ang imbestigasyon sa kaso ng isang estudyante dahil sa hazing

Hindi hahayaan ni Quezon City Police District director PBGen. Redrico Maranan na maimpluwensiyahan ninuman ang itinatakbo ng imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ng Criminology student na si Ahldryn Bravante dahil sa hazing.

Sa isang panayam sinabi ni Maranan, dalawa sa 4 na suspek na nasa kanilang kustodiya ang nag-execute ng kanilang extra-judicial confession na umaamin na sila ay kasama sila sa initiation rites.

Handa raw ang dalawa na makipagtulungan sa PNP na sa katunayan ay nakapagbigay pa ng sampung pangalan ng kanilang mga kasama nang mangyari ang initiation.

Nagsagawa na rin ang QCPD ng CCTV backtracking sa abandonadong gusali kung saan isinagawa ang initiation at doon umano nakita ang pagdating at pag-alis nang mga lumahok dito.

Sabi pa ng QCPD director, pinapalinaw o ine-enhance na ang footage para makita ang mga plaka ng mga motor na ginamit nang mangyari ang insidente.

Samantala, hustisya pa rin ang sigaw ng pamilya Bravante sa nangyari kay Ahldryn.

Nanawagan din ang pamilya na mahuli lahat ng gumawa sa hindi makatarungang pagpatay sa biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *