Romualdez, dismayado sa kawalan ng aksyon ng DA at DTI laban sa mga abusadong traders

Nadismaya si House Speaker Martin Romualdez sa kawalan ng aksyon at solusyon ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ukol sa pagsasamantala ng mga abusadong trader at middleman na nagresulta sa labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Romualdez na nalulungkot siya na walang ginawa ang mga opisyal ng dalawang ahensya upang agad na matugunan ang suliranin sa pagsipa ng presyo ng basic commodities.

Bukod sa hiling na karagdagang pondo upang mapunuan ang buffer stock na masyado pang matagal ang resulta, ang hinahanap aniya nilang sagot ay gawing pababa ang trend ng presyo ng produkto at pigilan ang kasakiman ng traders at middlemen.

Giit ni Romualdez, hindi sapat ang long-term solution upang solusyunan ang malayong agwat ng presyo ng farmgate at retail dahil lubhang nasasaktan na ang consumers pati na ang mga magsasaka at mangingisda.

Makikipag-ugnayan naman ang Speaker sa mga kalihim ng DA at DTI upang mahigpit na ipatupad ang mga polisiya pati na ang itinatakda ng batas gaya ng Price Act upang hindi na makapambiktima ang mga grupong sangkot sa profiteering.

Samantala, idinagdag naman ni Committee on Trade and Industry Chairman Ferjenel Biron na inutil ang mga opisyal ng DA at DTI dahil sa kabila ng kanilang prosecution at adjudication powers ay hindi nila napanagot ang mga umabusong middleman at trader.

Una rito, nabatid sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry na nagkaroon ng 200 percent na mark-up sa retail mula sa farmgate price habang ang gross margin para sa mga supermarket ay 8 percent lang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *