Taal Volcano, ibinaba na sa Alert Level 2


Ibininaba na ng PHIVOLCS ang alert level status ng Bulkang taal mula sa Alert Level 3 o ang ‘magmatic unrest’, sa Alert Level 2 na ‘decreased unrest’.

Sa advisory ng tanggapan, bumaba na ang aktibidad ng bulkan matapos ang naitalang phreatomagmatic eruption noong March 26.

Mula sa nabatid na petsa, hanggang March 31, nakapagtala ng anim na mahihinang phreatomagmatic bursts, at mula noon ay bahagya nang kumalma ang Taal.

Aabot na lang din umano sa 86 na mga volcanic earthquakes ang naitala na pawang mga mahihinang pagyanig na lamang.

Bumaba na rin ang lebel ng sulfur dioxide ng bulkan.

Mga residenteng lumikas malapit sa Bulkang Taal, maaari nang bumalik

Inihayag ng PHIVOLCS na maaari nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residenteng nag-evacuate sa mga lugar na malapit sa Bulkang Taal.

Ito nga ay makaraang ibaba na ng tanggapan ang Alert Level Status ng Taal Volcano sa Level 2.

Sa panayam kay PHIVOLCS Dir. Renato Solidum, sinabi nitong makababalik na ang mga nagsilikas sa area ng bulkan partikular na sa bahagi ng Laurel at Agoncillo sa Batangas.

Sa kabila nito, hindi pa rin papayagan ang pagtuntong sa mismong Taal Island ngunit papayagan ang ilang mga mangingisda.

Sa huli, nanawagan ang opisyal sa LGUs sa palibot ng Taal na sana raw ay magkaroon ng mas maayos na transport system at masasakyan ng mga residente.

Sa ganitong paraan aniya ay mas mapadadali ang pagpapalikas sa mga ito sa oras na muling magtaas ang alert level ng bulkan.

Sa ngayon ay tuloy pa rin ang monitoring ng PHIVOLCS sa Taal at wala pa muling nakikitang pamamaga at bagong input ng magma na magmumula sa ilalim nito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *