Team ng Canoreco na tutulong sa restoration ng kuryente sa Bohol posibleng sa isla muna ng Leyte tumuloy

CAMARINES NORTE- Tumulak na kamakalawa ang team ng Camarines Norte Electric Cooperative na tutulong sa pagbabalik ng suplay ng kuryente sa Bohol na napuruhan ng bagyong Odette.

Pero dahil hindi pa raw available ang mga roro papuntang Bohol na sya sanang magta-transport ng mga sasakyan, kagamitan at linemen ay baka sa isla ng Leyte muna pansamantalang magamit ang team.

Bago tumulak papuntang Visayas ang grupo ay pinulong muna sila nila General Manager Zandro Gestiada, Safety Officer Engr. Reymond Rada at Occupational Health Nurse Menchie Balane tungkol sa kanilang mga gagawin, mga safety and health protocols at iba pang mga alalahanin.

Ayon sa pamunuan ng Canoreco sa Bohol na magpapasko at doon na rin sasalubungin ng team ang bagong taon.

Mananatili kasi sila doon ng hanggang Enero 4, 2022 kaya’t magdidiwang ng Pasko at Bagong Taon na malayo sa kanilang mga pamilya.

Isa lamang ang Canoreco sa ilan pang electric cooperative sa bansa na tumutulong sa lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Odette bilang  bahagi ng Task Force Kapatid.

Ang Task Force Kapatid ay grupo ng mga electric cooperative na tumutulong sa agarang pagbalik ng serbisyo ng kuryente sa mga kapwa electric cooperative na tinamaan ng matinding sakuna gaya ng bagyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *