Vaccination card ng mga fully vaccinated individuals na mula sa MGCQ areas, tatanggapin sa Catanduanes bilang pamalit sa RT-PCR test

CATANDUANES—Inihayag ni Catanduanes Provincial Information Officer Nikko Franco Templonuevo na tatanggapin at maaaring ipamalit sa RT-PCR test ang vaccination card ng mga indibidwal na fully vaccinated na kontra COVID-19 at magmumula sa mga lugar na nakasailalim sa MGCQ.

Ayon kay Templonuevo bago makakuha ng kanilang Travel Coordination Permit, kinakailangan lamang ng mga ROF, LSI at APOR mula sa mga MGCQ areas na gumawa ng kanilang S-Pass account kung saan nakapaloob ang  kanilang government issued ID at negative RT-PCR test result ngunit kung fully vaccinated na kontra COVID-19, ay maaaring ihalili ang vaccination card imbes na negatibong resulta ng swab test.

Samantala, mas mahigpit ang protocols na ipinatutupad ng lalawigan para sa mga residenteng mula sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ, MECQ at GCQ. Kinakailangan pa rin kasi ng mga itong mag presenta ng negatibong resulta ng RT-PCR test, bakunado man o hindi.

Limitado rin ang pagpapasok ng mga biyahero mula sa mga lugar na ito, dahil tanging mga APOR lamang ang pahihintulutang makapasok mula sa mga ECQ at MECQ areas habang mga APOR, LSI at ROF naman ang tatanggapin basta’t mula sa lugar na nasa ilalim ng GCQ.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *