Villanueva: Maharlika Fund, dadaan sa butas ng karayom sa Senado

Nangako ang ilang mga Senador na daraan sa butas ng karayom ng Senado ang isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) ng mga kaalyado ng administrasyong Marcos.

Ito ay makaraaang mabilis na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 6608 matapos bumoto ang 279 na mga House lawmakers.

Sa media interview sa ilang mga Senador sa gift-giving nila sa Philippine Heart Center, tiniyak Senadora Imee Marcos na bubusisiing mabuti ng Senate panel ang MIF Bill.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bagamat bukas siya sa ideya ng isang sovereign investment fund – kailangan pa ring busisiin ito nang mabuti para matiyak na mayroon itong sapat na accountability at transparancy.

Dapat din aniyang linawin ang mismong objectives ng MIF para hindi masayang ang kaban ng bayan.

Bago ito, una nang inatasan ni Senate President Migz Zubiri ang iba’t ibang mga panel chairperson kabilang na sina Senate Finance Committee chairperson Senador Sony Angara, at iba pa kabialng na sina Senators Alan Peter Cayetano, Win Gatchalian, Grace Poe, at Mark Villar na himayin ang panukala.

Sa ngayon, wala pang counterpart bill na inihahain sa Senado.

‘P250Billion mistake’

Nanindigan naman ang Senate Minority na ‘premature’ pa ang pagtatatag ng Maharlika Investment Fund.

Reaksyon ito ni Senadora Risa Hontiveros matapos makalusot sa 3rd reading ng Kamara ang panukala kasunod ng pag-certify as urgent dito ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Hontiveros, imbis na ito ang gawing urgent ng Ehekutibo – bakit daw hindi na muna i-prayoridad ang pagpapababa ng presyo ng pagkain para sa disenteng Noche Buena ng mga Pilipino.

Sabi ng Senadora, marami pang mga kailangang unahin ang Gobyerno kabilang na ang sahod ng mga mangagawa, mga guro, healthworkers, pati na rin ang mga ayuda sa iba’t ibang sektor gaya ng mga matatanda, solo parents, at mga persons with disabilities (PWDs).

Giit ni Hontiveros, tila ‘distracted’ na naman ang pamahalaan dahil isang ‘misplaced priority’ ang pagtatag ng MIF.

Ngayong pilay pa ang ekonomiya – hindi raw dapat minamadali ang ganitong panukala dahil posible lamang itong mauwi sa ‘P250Billion Mistake’.

‘Best Gift sa mga Pilipino’

Naniniwala si House Majority Leader Mannix Dalipe na magandang pamasko para sa mga Pilipino ang pagkakalusot ng MIF.

Ayon kay Dalipe, ito ang maituturing na ‘best gift’ sa taumbayan kung titingnan ang mga magiging benepisyo nito sa mga Pilipino.

Idiniin ng mambabatas na malaki ang maitutulong ng MIF para sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino lalo na sa recovery ng ekonomiya mula sa mga epekto ng COVID-19 pandemic.

Pinasalamatan din ni Dalipe ang kanyang mga kasamahan sa Kamara, pati na rin kay Pangulong Bongbong Marcos para i-certify as urgent ang panukala.

READ MORE:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *