₱190M halaga ng shabu, nakumpiska sa dalawang big time pusher sa Laguna

Nasamsam ng mga otoridad ang nasa humigit-kumulang 28 kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit 190 milyong piso mula sa dalawang big time pusher sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna.

Ayon kay PLt.Col. Milany Martinez, hepe ng Calamba City Police Station, nakuha ang 30 malalaking plastik na naglalaman ng droga mula sa mga suspek na kinilalang sina alyas “Madam” at “Erwin”.

Si alyas Madam ay residente ng Sto. Tomas City, Batangas habang si alyas Erwin ay residente naman ng Calamba City, Laguna, na pawang mga High Value Individual o HVI.

Dumayo pa umano sa naturang lungsod si alyas Madam para magtulak ng iligal na droga.

Umaabot sa kabuuang ₱190,400,000.00 ang narekober na droga mula sa dalawang suspek maliban pa sa isang cellphone at kanilang mga gamit na bag.

Inilunsad ng naturang himpilan ang joint buy-bust operation ang Provincial Intelligence Unit (PIU) Laguna PPO nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 24, 2023, kasunod sa serye ng isinagawang surveillance sa dalawang big time pusher.

Nasa kustodiya na ang mga ito ng Calamba CPS at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002”.

Ang bulto-bultong pakete ng droga ay isinumite na sa Crime Laboratory para sa gagawing eksaminasyon.

Isa na ito sa malaking halaga ng droga na nakumpiska ng mga otoridad sa CALABARZON ngayong taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *