Nasawi ang dalawang indibidwal matapos ang nangyaring banggaan ng motorsiklo at pick-up sa Purok 6, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang nasawing sakay ng motorsiklo na kinabibilangan ng backrider na si Aries Vigan, 22-anyos, guwardiya habang kinikilala pa ang nasawi ring drayber nito.
Nakilala naman ang drayber ng pick-up na si Henry Macutay, negosyante at residente ng Barangay Faustino, Cauayan City.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na binabagtas ng pick-up truck ang kanlurang direksyon habang kasalungat naman ang direksyon ng motorsiklo.
Kaugnay dito, pumasok umano sa kabilang linya ang pick-up at dito na aksidenteng nasalpok ang motorsiklo na noo’y mabilis umano ang patakbo.
Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng malubhang sugat ang sakay ng motorsiklo kung saan agad namang isinugod sa pagamutan ngunit idineklara ring dead on arrival ang drayber at makalipas ang ilang oras ay nasawi rin si Vigan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP Cauayan hinggil sa naturang insidente.