𝗚𝗢𝗩𝗘𝗥𝗡𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗘𝗠𝗣𝗟𝗢𝗬𝗘𝗘, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗥𝗜𝗟-𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬; 𝗠𝗔𝗟𝗔𝗟𝗜𝗠𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬

Patay ang isang government employee matapos itong pagbabarilin sa harapan ng isang pribadong hospitas sa Ipil, Echague, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Echague Police Station, kinilala ang biktima na si Kendrick Pera, 29-anyos, law student at empelyado ng LGU-San Isidro.

Una rito, nagtungo sa ospital ang biktima upang magbayad dahil kakapanganak lamang ng kaniyang asawa ngunit hindi pa ito nakakapasok sa pagamutan ay pinagbabaril na ito ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil dito ay nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril ang biktima na naidala pa sa emergency room ngunit binawian rin ng buhay.

Sa puntong iyon, matapos isagawa ng suspek ang krimen ay agad itong tumakas kung saan umangkas ito sa motorsiklo ng kaniyang kasama patunging hilagang direksyon.

Batay sa kuha ng CCTV ng hospital ay nakasuot ng itim na tshirt, naka-short at may itim na sling bag ang suspek.

Isinalaysay naman ng kamag-anak ng biktima na wala silang alam na nakaalitan ang biktima.

Samantala, umapela naman ang kapulisan sa publiko na makipag-ugnayan lamang sa kanilang himpilan hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek habang nagpapatuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *