𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗜𝗟𝗬𝗢𝗡𝗚 𝗛𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔 𝗡𝗚 𝗚𝗔𝗗𝗚𝗘𝗧, 𝗡𝗜𝗡𝗔𝗞𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗞𝗔𝗪𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗨𝗧𝗘𝗥 𝗦𝗧𝗢𝗥𝗘

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na nagnakaw sa isang computer store sa Barangay Centro 06, Tuguegarao City, Cagayan.

Ayon sa Tuguegarao City Police Station, nasa P1, 081, 675 ang halga ng gadget na ninakaw kung saan kinabibilangan ito ng 15 units ng iphone, 48 android phones, ipad at P76, 516 cash.

Una rito, napansin umano ng incoming security guard ang nasirang padlock ng kanilang roll-up door dahilan upang i-report niya ito sa PNP na agad namang nirespondehan ng kapulisan katuwang ang City Satellite Forensic Office.

Sa isinagawang pagsisiyasat ay nakita ang mga basag na glass table kung saan naka-display ang mga nanakaw na item.

Nakita rin sa CCTV na isa sa mga kawatan ay nakasuot ng sombrero, itim na damit at jacket na may marking security habang mayroon pa silang dalawang kasamahan na nagsilbing look-out.

Ang ginamit ng mga kawatan sa pagtakas ay isang pulang SUV na lumabas sa Barangay Buntun.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang koordinasyon ng PNP sa LTO at HPG upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nagmamay-ari ng sasakyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *