𝗧𝗜𝗡𝗗𝗘𝗥𝗢 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗦𝗔𝗞-𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬; 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞, 𝗞𝗨𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗠𝗨𝗞𝗢

Kusang sumuko sa kapulisan ang suspek sa pananaksak na nagresulta ng pagkamatay ng isang lalaki sa Barangay District II, Cauayan City, Isabela pasado alas nuebe ng umaga kahapon, August 23, 2023.

Ang biktima ay kinilalang si Benzon Padua, 51-anyos, tindero, habang ang suspek ay si Deogines Relente, 44-anyos, walang trabaho at kapwa residente ng barangay District 2.

Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, noong August 22 ay pumasok di umano si Padua kasama ang kaniyang mga kapatid sa bahay ni Relente nang walang permiso na nagresulta ng hindi pagkakaunawaan.

Kinabukasan ng August 23, habang naglalakad si Relente ay nakasalubong niya si Padua na noo’y nakasakay sa kaniyang motorsiklo.

Sa oras na iyon, bumaba sa kaniyang motorsiklo si Padua at nakipagsuntukan umano kay Relente hanggang sa napansin ni Relente na mayroong huhugutin si Padua sa kaniyang sling bag.

Dito na nagkaroon ng pagkakataon si Relente na unahan si Padua at dinukot ang kaniyang kutsilyo at pinagsasaksak si Padua.

Naidala pa sa pagamutan si Padua ngunit idineklara na itong dead on arrival ng kanyang attending physician.

Sa ngayon, kusa nang sumuko sa kapulisan ang suspek at nahaharap sa karampatang kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *