19 na kabataan sa Masbate na nirekrut ng makakaliwa, sumurender

SORSOGON CITY – Muling nadagdagan ng 26 ang bilang ng mga sumusurender na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Masbate , kung saan 19 dito ay itinuturing na ‘children involved in armed conflict’ (CIAC).

Nitong Sabado, Hulyo 17 ay boluntaryong sumurender sa mga awtoridad ang 26 na indibidwal na may kaugnayan sa makakaliwang grupo sa Brgy Balete, Aroroy, Masbate.

Sa kabuuang 26, 19 dito ay mga kabataan at pitong iba pa kabilang ang isang regular NPA member. Ibinaba ng mga ito ang kanilang armas na kinabibilangan ng 7 low powered firearms (LPFA).

Sa 19 na sumurender na kabataan, isa dito ang 12-anyos; dalawang 13-anyos; 6 na 14-anyos; apat na 15-anyos; dalawang 16-anyos; tatlong 17-anyos at isang 19-anyos.

Ayon sa salaysay ng isang narekrut, inimbitahan umano sila sa isang excursion subalit nagulat sila nang sinimulang doktrinahan, matapos umano ang isang buwan ay binigyan na sila ng ‘Ang Bayan’ newsletter para kanilang basahin.

Kinundena naman ng Joint Task Force Bicolandia ang pagrerekrut ng mga NPA sa mga kabataan. Nanawagan ito sa hukbo na ihinto na ang pagrerekrut sa mga menor-de-edad at huwag isali ang mga kabataan sa digmaan.

Matatandaan na nilagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte noong Enero 10, 2019 ang Republic Act 11188 o “Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict” na nagtatakda sa mga kabataan bilang ‘zone of peace’ at nagbabawal sa karahasan at pagre-recruit sa mga kabataan sa mga armadong grupo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *