4-anyos na bata, patay nang nabangga ng jeep sa Iriga City

Naga City – Patay ang isang 4 na taong gulang na batang lalaki sa  Iriga City, Camarines Sur nang mabangga ito ng isang Jeep.

Nangyari ang insidente 3:15 ng hapon ng nagdaang Sabado sa kahabaan ng Provincial Road na sakop ng Brgy. Sta. Teresita, naturang lungsod.

Ayon sa ulat ng PNP, bigla umanong tumakbo papatawid ng kalsada ang  4-anyos na bata galing sa isang sari-sari store at papauwi na san. Bigla itong mabangga ng isang Mitsubishi Fuso Jeepney na minamaneho ng suspek na si Dennis Abanes, 27-anyos ng San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Sa salaysay ng mga nakakita ng pangyayari, mabilis ang patakbo ng suspek sa sasakyan nito na papunta na sana sa Centro ng Lungsod, gayon din ang biktima na biglang tumawid , kung kaya hindi na ito naiwasan pa ng driver.

Kaagad naman isinugod sa pagamutan ang biktima, subalit dahil sa matinding mga sugat na tinamo hindi na ito nakaligtas pa.

Ang suspek na driver ng jeep ay sumuko sa istasyon ng PNP.

Samantala, sinabi sa Brigada News FM Naga ni PLT. Belle Cereno ang tagapagsalita ng Iriga City Police Office, nagharap na at nagkaroon na ng pag-uusap ang driver ng jeep at mga magulang ng biktima pero hindi nila alam ang napag-usapan.

Ayon kay Cereno, hindi napigilan ng mga magulang ng bata ang sobrang galit ng makaharap ang driver at muntikan pa itong masuntok ng ama, na kaagad naman nilang naawat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *