400 – 500 bagong kaso ng COVID-19 kada araw, posibleng maitala – OCTA Research

Posibleng umabot sa 400 hanggang 500 ang maitatalang bagong kaso ng covid-19 kada araw sa bansa sa katapusan ng Hunyo.

Ito ang nakikita ng OCTA Research kasunod nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa National Capital Region (NCR).

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Dr. Guido David, fellow ng OCTA na ‘more concerning’ o mas dapat pagtuunan ng pansin ang tumataas na covid-19 cases.

Kaugnay nito, base rin aniya sa kanilang pagtaya ay posibleng nasa moderate risk classification na ang Metro Manila sa susunod na linggo, ito ay mula sa low risk sa kasalukuyan.

Kapag nangyari aniya ang moderate risk classification ay mataas ang tyansa na magtaas na ng alert level sa NCR.

Binanggit naman ni David na ang desisyon ay mananatili pa rin sa Department of Health, kung ano ang mga hakbang na kanilang gagawin ukol dito.

Sa huli, ipinunto rin ni David ang tinawag niyang ‘personal responsibilities’ ng ating mga kababayan.

Aniya, kailangan pa ring sumunod sa minimum public health standards upang mapigilan ang paglobo ng mga kaso ng covid-19.(CLAY MARQUEZ)
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *