6 na preso sa So.Cot provincial jail, nagpositibo sa random drug testing; posibleng involvement ng mga guwardiya, tinututukan

KORONADAL CITY- INILAGAY na sa isolation at kinansela na rin ang mga prebilihiyo ng anim na mga inmates sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center na nagpositibo sa random drug testing noong Pebrero 1.

Inihayag ni OIC Jail Warden Lory Celeste na nagsagawa sila ng random drug testing matapos na nakatanggap ang mga ito ng report na may illegal drugs sa Selda 1.

Sa 24 na mga gin-test, 6 ang nagpositibo.

Maliban dito, may tatlong mga bilanggo din mula sa ibang selda na umamin na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Apat na anggulo naman ang tinitingnan at iniimbestigahan ng pamunuan ng jail sa kung paano at sino ang responsable sa pagpupuslit sa droga.

Inihayag ng opisyal na isa sa kanilang tinututukan ay ang posibleng involvement ng mga jail guards kung kayat nagsagawa na rin ito ng balasahan sa mga guwardiya.

Samantala, kinansela na ni Celeste ang araw ng dalaw tuwing Huwebes para sa mga kaibigan, tiyuhin, tiyahin, mga pinsan a iba pang kamag-anak ng mga inmates.

Magpapatuloy naman ang dalaw tuwing Sabado at Linggo para sa immediate families, asawa at mga anak ng mga bilanggo, kabilang na ang conjugal visit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *