8 arestado sa pagpa-ihi ng langis sa Calaca, Batangas

Nasa kustodiya na ng otoridad ang walong indibidwal na naaresto sa pangangalakal ng nakaw na mga produktong petrolyo sa Barangay Salong, Calaca, Batangas.

Kinilala ng Batangas Police Provincial Office o BPPO ang mga suspek na sina alyas Emerson, 40 anyos, nagsilbing distributor ng langis; alyas Jose, 53, welder; alyas Alejandro, 48, driver na pawang mga taga-Calaca City; alyas Sherwin, 50 anyos, driver, taga Batangas City; alyas Rafael, 28 anyos, helper, taga-Mundaon, Masbate; alyas Joselito, 44, driver, taga San Jose Delmonte, Bulacan; alyas Herbert, 41 anyos, driver, taga-Binagonan, Rizal; at alyas Dennis, 48 anyos, driver na taga Sariaya, Quezon.

Batay sa report, dakong 1:30 ng madaling araw kahapon ng Martes, Marso 21, ng magkasa ng operasyon ang mga otoridad at nahuli ang walo sa iligal na gawain.

Narekober mula sa mga ito ang tatlong petroleum tanker, apat na container na naglalaman ng mga langis, apat na container na walang laman, isang improvised hose, isang improvised funnel, cable tie seal, isang tank assembly na naglalaman ng nasa 12,500 litro ng methanol, at P53,000.00 cash money.

Na-impound din ang ginamit nilang Howo Fuel Tanker truck na may plakang NAD 6678, Izusu Giga na may plakang CDK 1701 at Howo truck na may plakang NBR 6738.

Samantala, nakuhanan naman si alyas Emerson ng isang kalibre 45 na Norinco 1911 pistol, magazine at mga bala nito.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o “Oil Pilferage Law” habang ang suspek na si alyas Emerson ay may karagdagang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act”.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *