9 rehiyon makikiisa sa gagawing tigil pasada ayon sa ilang transport group

Siyam na rehiyon sa bansa ang inaasahang makikiisa sa isasagawang tigil-pasada ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong transportasyon partikular ang jeepney.

Ito ay sa gitna pa rin ng walang prenong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ayon kay Lando Marquez, President, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), kabilang sa mga rehiyon ang Region 1, CAR, Region 2, Region 3, Region 4A, Region 9, Region 11, Region 12 at National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Marquez na sa unang linggo ng buwan ng Marso, isasagawa nila ang malawakang tigil pasada, bilang pagpo-protesta sa LTFRB na mapagbigyan ang kanilang kahilingan na gawin nang sampung piso ang minimum fare sa jeep.

Ipinunto pa ni Marquez na ayaw naman daw nila sanang mangyari ang tigil-pasada subalit ayaw din aniya silang pakinggan sa kanilang panawagan na pisong taas-pasahe.

Aniya, lahat ng Pilipino ay biktima ng pandemya ngunit para sa kanilang mga tsuper at operators doble na ang dagok dahil sa taas ng presyo ng gasolina.

Muli namang umalma si Marquez, kaugnay sa fuel subsidy at iba pang ayuda na ibinigay umano ng DOE at LTFRB, aniya 80 percent ng mga driver ng jeep, UV express, at mga bus ang hindi nakatanggap nito kahit laging sinasabi na may ibinigay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *