Insidente ng rice blast sa Region 2, nananatiling manageable

Nananatiling manageable pa rin umano ang naitatalang insidente ng rice blast sa mga pananim na palay sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay OIC Chief Minda Flor Aquino ng Regional Crop Protection Center 2, kasalukuyan ang monitoring ng kanilang tanggapan sa ibat ibang palayan sa rehiyon kung saan tumaas pa sa 28 na munisipalidad sa Region 2 ang naapektuhan ng rice blast.

Aniya, mula sa 13,505 hectares na kanilang namonitor ay nasa 915.27 ektaryang palayan ang infected ng naturang sakit ng palay.

Pinakamaraming naitala sa Isabela kung saan 15 na munisipyo ang nakitaan ng rice blast incident at kabuaang 417.81 ang apektadong ektarya ng palayan.

Sinundan ito ng lalawigan ng Quirino na may kabuuang 396.7 affected hectares mula sa anim na bayan.

Ang Cagayan naman ay may anim na bayan ang nakitaan ng rice blast kung saan nasa 95.76 ektarya ang naapektuhan habang limang ektarya naman na palayan ang apektado mula sa isang bayan sa Nueva Vizcaya.

Ayon pa kay RCPC-OIC Chief Aquino, bagama’t nadagdagan ang mga apektadong munisipalidad sa rehiyon subalit nasa tillering stage pa lamang ng mga palay ang apektado ng rice blast.

Malaking bagay umano ang maagang pag-uulat ng mga magsasaka sa kanilang mga LGU’s upang agad na mamonitor at maaksyunan ang naturang sakit ng palay.

Aniya, naitatala ang insidente ng rice blast dahil na rin sa mataas na relative humidity dulot ng pabago-bagong panahon.

Payo pa ni OIC Chief Aquino ang tamang pagsunod sa fertilizer application at water management sa mga pananim na palay upang maiwasang matamaan ng sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *