Bawal Bastos ordinance inihain sa Sangguniang Bayan ng Basud

CAMARINES NORTE- Inihain sa Sangguniang bayan ng Basud, Camarines Norte ang “enabling” ordinance para sa implementasyon ng Republic Act No 11313 o ang Safe Spaces Act.

Tinawag itong Bawal Bastos Ordinance of the Municipality of Basud na layong labanan ang gender-based sexual harassment sa kalsada, public places, online, workplaces at educational at training institutions.

Sa ilalim ng ordinansa ipagbabawal na ang “catcalling” o pagsipol, panghihipo, mga homophobic, transphobic o misogynistic remarks o mga negatibo at sekswal na patutsada sa mga mga babae  maging miyembro LGBTQ plus community.

Batay sa section 4 ng panukalang ordinansa multang P1, 000 at 12 oras na community service at  sasailalim din sa gender sensitivity seminar ang violator para sa unang paglabag.

Aresto menor o P3,000 na multa sa ikalawang paglabag.

Sa ikatlong paglabag naman ay aresto mayor at multang P10, 000.00 ang ipapataw.

Mas mataas naman ang ipapataw na kaparusahan kapag nag-perform ng offensive body gesture at magpakita ng pribadong bahagi ng katawan para sa sexual gratification.

Pagmumultahin ng P10,000, 12 oras na community service at dadalo rin sa gender sensitivity  seminar para sa unang paglabag.

Pagkakakulong ng 11 hanggang 30 araw o multang P15,000 para sa ikalawang paglabag.

Isang buwan at isang araw hanggang 30 araw na pagkakakulong naman at multang P20,000 para sa ikatlong paglabag.

Ibang usapan naman kapag “stalking” o anumang nabanggit sa section 11 ng RA 11313 ang nagawa ng violator kung saan naghihintay ang mas mabigat pang parusa.

Aresto menor o multang P30,000 at sasailalim din sa gender sensitivity  seminar sa unang paglabag.

Aresto mayor naman o multang  P50,000 sa ikalawang paglabag at aresto mayor ng maximum period o multang P100.000 para sa ikatlong paglabag.

May iba pang mga penalidad na ipapataw ang nakapaloob sa panukalang ordinansa kung ang nangyaring gender- based sexual harassment ay sa public transport at sa kalsada.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *